Wednesday, December 22, 2010

Si Inang

Naalala ko nuong una nating pagkikita. Di ko maisip na may isa pa akong lola. Ang alam ko lang kasi ung kinagisnan kong lola, ung nanay ng Nanay ko. May nanay din pala si Tatay, naisip ko.

Hindi ko tuloy maiwasan na ikumpara ang dalawa kong lola. Si Lola, nanay ni Nanay, maingay. Si Inang, nanay ni Tatay, tahimik lang. Si Lola, malusog, malaki. Si Inang, slim. Si Lola madalas kong makitang gumawa ng gawaing bahay, luto, linis, laba. Si Inang madalas kong makita sa bukid, nagtatanim, nagpapastol ng alaga nilang kambing. Magkaiba man, eh palagay ko napakaswerte ko pa rin para magkaroon ako ng dalawang lola. ♥

Isang amoy lang ang nakakapagpaalala sa akin kay Inang, ang amoy ng tabako. Yun din ang amoy na malalanghap mo pagpumunta ka sa bahay nila.

Si Inang, tulad ng nasabi ko, sobrang sipag. Palagi mo siyang makikita sa bukiran. Di ko nga magets kung bakit hindi siya nawawalan ng ginagawa sa bukid araw-araw. Sa tingin ko ito na rin ung dahilan kung bakit wala akong maalalang favorite recipe nya. Mas sanay siya sa bukid kesa sa kusina.

Pero may talent naman siyang hindi mo mahahanap sa ibang lola eh. May HEALING POWER SIYA. Naaalala ko nuon kapag may sinat ako o kahit sino sa aming magpipinsan, pagkatapos niya kaming hilutin maya-maya okay na kami. Nung nagkaanak ang ate ko, may ritual siya sa hapon para daw mahimbing na makatulog sa gabi ung baby. Ang ginagawa niya, tinatawag niya ung pangalan ng pamangkin ko na para bang malayo siya't pinapauwi niya. Lagi akong nangingilabot pag ginagawa niya ito. "Makan Aaron! Agawid kan! Umay kan Aaron! Rabiin!" Sa boses nyang tumatawag na pabulong lang naman. (Natakot naman ako sa memory na 'to).

Hindi naman perfect si Inang tulad ng lahat ng tao. May mali din siya na sa murang isip kong naintindihan ko. Nuong lumipat kami sa Agoo, matagal nang biyuda si Inang at may kinakasamang lalake. Lahat sila Tatay at mga kapatid niya pati na din mga pinsan ko, napansin ko di aprub sa desisyong ito ni Inang. May panahon dati na umabot sa hiwalayan ang pagsasama nila. Nakita kong mag-isa si Inang. Malungkot siya syempre. Napadalas tuloy ang dalaw ko sa bahay niya. Naisip ko kailiangan niya din ng kausap. pagpumupunta ako sa bahay niya nung panahong siya lang mag-isa, halos wala akong marinig na ingay sa buong kabahayan. Malungkot nga. Di nagtagal, bumalik din naman sa kanya si "Itang". Hindi ko na maalala kung pano pero nakita ko na lang na magkasama na ulit silang pumunta sa bukid. Napanatag ako nuon. At least may kausap na si Inang at di na siya mag-isa sa bahay, sa buhay. Di na din ako masyadong dumalaw mula nuon. Kahit naman gusto kong may kausap at kasama si Inang, di ko din naman gusto si "Itang".

Huli kong nakita si Inang sampung taon na ang nakalipas. Mangiyak-ngiyak nung magpaalam kami paalis ng Agoo. Hindi ko akalain yun na pala ang huling pagkikita namin. Kagabi ko nalaman na pumanaw na siya. Nalungkot ako pero di na nabigla. Unang buwan ng Disyembre tinext na ako ng pinsan ko na mahina na nga daw si Inang at pinapapunta si Tatay duon at baka di na abutin ang bagong taon...nagkatotoo nga.

Naaalala ko pa na napag-usapan namin ni Manny, pinsan ko na nagtext sa akin tungkol kay Inang, nung makakita kami ng burol dati sa Pasko, " Ang pangit siguro magPasko ng may patay." At nangyari na nga sa amin. Pareho kaming wala sa burol ni Inang. Uuwi siya galing Qatar sa Enero. Uuwi din ako don sa Agoo para magkipagkita sa kanya. Para na din bisitahin ang bahay ni Inang na sana'y amoy tabako pa din..at dumalaw sa puntod niya.

Paalam Inang! Hanggang sa muli nating pagkikita. ♥

Tuesday, November 30, 2010

Bababa ka ba?

Ika-isa ng Disyembre taong 2010. Unang araw ng huling buwan ng taon. Nasaan ako? Nasa aking lungga. Nagtatago. Kung sa anong dahilan eh 'di ko pa masabi. Sa makatuwid, di ko pa talaga maisip at matukoy kung bakit.

Kilala ko ang sarili ko bilang isang taong compulsive. Maisipan na lang. Madalas mali ang mga desisyon. Mga simpleng bagay nagiging komplikado dahil sa maling bugso ng damdamin. Biglaan! Pagkatapos ay panic. Tulad ngayon, isa sa pinakapangit na ginawa ko, isa sa pinaka-bobong desisyon sa hindi malamang dahilan. Marahil ay alam ko. Ayaw ko lang aminin sa sarili ko. Sige lang...lokohin mo sarili mo. Ikaw/ako din naman ang magsisisi sa bandang huli. Ansaklap lang isipin.

Madalas nilang sabihin, sa bawat pagtatapos may masisimula. Sa pagtatapos ng taon na ito, sana ganon din ang kabobohan ko. Sana lumipas kasama ng taon. Sa pagsisimula ng bagong taon, sana magsimula na din ang bagong ako. Hayy...madalas ko nang inaasam na magbago. Pero ika nga nila, nasa tao yan kung gustong magbago. Nasa kamay natin ang sarili nating mga kapalaran. Ang tanong ko ngayon, hanggang kailan ko lalaruin sa sariling mga palad ko ang buhay ko?

Muli, narito ako, nag-bibilang ng oras. Nagsasayang ng minuto. Nagpapalipas ng panahon. Hiling ko lang, wag sanang mapag-iwanan.

Alam kong kaya kong humabol kahit gano man ako naiwanan. Sana lang maputol na ang cycle na ito, na kung kelan ayos na, bigla kong ibabalik sa umpisa. Hindi na masaya, hindi na nakakatuwa. Sa puntong ito, may isa lang akong pangako sa sarili ko...muli akong babangon sa abo ng aking katangahan. Hahabol din ako at makakasabay ng kungsino. Lingon-lingon lang, baka malagpasan kita kung ika'y aking mahawaan.

Patapos na ang taon. Pabagsak akong muli. Magkikita na lang tao sa takdang-panahon. Hanggang sa muli!

Wednesday, January 20, 2010

Ang Pagbabalik

Eto na ba ang hudyat ng aking pagbabalik sa pagboblog?

Siguro nga. Malungkot na naman ako eh. Kailangan kong ilabas sa paraang alam ko.

Pero kung titingnan at babasahin mo naman ung mga dati kong posts, di naman gano kalungkot buhay ko. May mga masasaya din. Basta inuman, eh di siguradong kasiyahan yan.

Nawala ako dahil may hinarap ako. Nabusy. Nagkaron ng pagkakaabalahan.

Masaya din kahit papano. At least may pangkain na ako at may respeto na ung ibang tao. Galing di ba?

Pero teka, bakit ba ako ulit nalungkot kung ayos na?

Isa lang ang dahilan nyan. Malamang lahat tayo nakakaranas ng pinagdadaanan ko.

Ang mabigo sa pag-ibig.

Di ako nireject, konting clarification lang.

Di ko nga alam kung anong nangyari eh. Magulo at di ko maintindihan kung bakit ako nasa posisyong ito.

Sawian.

Biguan.

Talunan.

At nakakainis lang dito, walang matinding dahilan. Hindi naman kami. Hindi nya din naman alam na may pagtingin ako sa kanya. Antanga di ba?

Parang high school lang na may gusto sa kapwas estudyanteng taga-kabilang section.

Parang teenager na may crush sa kapitbahay na bagong lipat.

Parang tanga lang. Nanahimik. Di maamin ang nararamdaman sa madaming dahilan pero matutukoy sa iisang bagay lang....lalaki sya, lalaki din ako.

Buti sana kung ung modernong klase siya ng lalaki. Ung tipong kahit papano may pag-asa ako. Ung tipong malasing mo lang eh magkakatiyempo din ako. Pero hindi eh. Straight nga siya. Kaibigan lang tingin sa akin. Ansakit isipin.

May gusto siyang iba. Siyempre, babae.

Si babae gusto din naman yata siya. Kagagaling lang din sa iisang relasyon na di naman nagtagal.

Ganun din pala siya. Apat na taon kung di ako nagkakamali at magkalive-in na yata sila nung naghiwalay na.

Parehong sugatan mula sa nakaraan.

Nagkatagpo.

Ayun. Ako ang naputukan.

Hindi ko alam kung anong gagawin kong reaksyon ngayon. Ayoko namang maweirduhan sila at magmukha akong tanga.

Nakakainis. Kung kelan kong narealize na may silbi pala tong puso ko saka ako inagawan ng isang iglap na lang.

Iniisip ko ngayon kung babalik ako sa dati kong gawi. Ang magsabi ng totoo sa mga taong nagugustuhan ko.

Kaya ko pa ba ang consequences nito ngayong iba na ang mundong iniikutan ko. Mas seryoso at mas palaban ang mga tao. Talo ako. Pero susubukan ko.